Idinawit ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang administrasyong Marcos bilang utak umano sa kinakaharap nitong kaso sa International Criminal Court (ICC).
Sa isinagawang pretrial hearing, tahasang sinabi ni lead defense lawyer Nick Kaufman na pulitika ang motibo ng kaso.
Paliwanag ng depensa, cherry-picked at nakasentro lamang sa bombastic rhetoric ng dating pangulo ang ibinibintang ng prosekusyon.
Nilinaw ni Kaufman na hindi kailanman layunin ng mga naging pahayag ni Duterte na mag-udyok ng karahasan.
Bilang tugon, nanindigan ang prosekusyon na ginamit ni Duterte ang pabuya at pananakot para mag-udyok ng mga death squad na magsagawa ng extrajudicial killings mula noong siya ay alkalde ng Davao City hanggang maging pangulo mula 2016 hanggang 2022.
Samantala, una nang nagpasa ng waiver ang 80-anyos na si Duterte kaya hindi na ito personal na dumalo sa pagdinig.











