-- ADVERTISEMENT --

Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dating mamamahayag at television host na si Jay Sonza nitong Huwebes ng gabi, Abril 30, sa kanyang bahay sa Quezon City kaugnay ng kasong cyberlibel.

Kinumpirma ni NBI Director Melvin Matibag ang pag-aresto sa isang panayam, at sinabing bago lamang isinagawa ang operasyon nang madakip si Sonza.

Ayon kay Matibag, naglabas ng warrant of arrest ang Pasay City Regional Trial Court nitong Huwebes, na naging batayan upang arestuhin ang dating broadcaster.

Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng NBI si Sonza.

Samantala, agad namang nagpahayag ang abogado ni Sonza na si Atty. Mark Tolentino na pupunta siya sa tanggapan ng NBI upang tiyakin na mapoprotektahan ang karapatan ng kanyang kliyente, lalo na’t isa na itong senior citizen.

-- ADVERTISEMENT --

Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ng NBI noong Pebrero laban kina Sonza at vlogger na si Jeffrey Luces Celiz, o mas kilala bilang “Ka Eric Celiz,” dahil sa umano’y pagpapakalat ng pekeng medical records ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.