Kinumpirma ng Manila Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office na nasawi ang isang photojournalist matapos mawalan ng malay sa kasagsagan ng Traslacion coverage sa Maynila.
Natukoy ang mamamahayag na binawian ng buhay na si Son H. Del Mundo, 54 anyos.
Isinugod siya sa pagamutan subalit idineklarang patay kalaunan.
Samantala, base sa datos ng local disaster office, mayroon ng kabuuang 299 katao ang nilapatan ng medical aid sa kasagsagan ng prusisyon base sa datos kaninang alas-10:00 ng umaga.
Sa naturang bilang, nasa 13 ang major cases habang 141 ang nagtamo ng minor injuries.
Nakapagtala rin ng isang insidente kung saan tinangka ng isang deboto na tumawid sa may barrier sa may Quezon Boulevard subalit nadulas at naunang bumagsak ang kaniyang mukha at nasubsob sa semento.
Bunsod nito, nagtamo ng pamamaga at injuries sa kaniyang mukha at limbs.
Muling nagpaalala naman ang mga awtoridad sa mga matatandang deboto na magdoble-ingat, manatiling hydrated at iwasan ang matataong lugar, dahil maaaring magresulta ito sa hirap sa paghinga at pagkawala ng malay dahil sa siksikan o kumpulan ng maraming deboto.











