Posibleng pumalo ang inflation ng bansa sa pagitan ng 5.0 hanggang 6.0% ngayong 2026 dahil sa mataas na presyo ng langis, kakulangan sa suplay ng pagkain, at mga “second-round effects” na nagpapatindi sa pagtaas ng presyo, ayon sa isang dating opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ani GlobalSource Partners economist at former BSP deputy governor Diwa Guinigundo, pumapasok ang Pilipinas sa mas delikadong yugto ng inflation, kung saan mula sa pansamantalang supply shocks tungo sa tuloy-tuloy na cycle ng inflation.Balitang Pilipinas
Pumalo kasi kamakailan sa 4.1% ang inflation noong Marso, mas mataas kaysa sa 2.4% noong Pebrero at higit doble naman ng nakaraang taon, na nagpapahiwatig ng tumitinding pressure sa presyo.
Inamin ng BSP ang panganib at itinaas ang kanilang projection para sa inflation ngayong taon mula sa 3.6% at 3.2% patungo sa 5.1% at 3.8%.
Ayon pa kay Guinigundo, ang mataas na presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan, limitadong suplay ng pagkain sa lokal, at second-round effects tulad ng hiling na pagtaas ng sahod at adjustments sa pamasahe at utilities ay siyang nagtutulak sa mas tuloy-tuloy na inflation.
Maaapektuhan din daw ang paglago ng ekonomiya dahil mababawasan ang purchasing power ng sambahayan.
Sa pagtataya naman ng GlobalSource Partners, maaaring bumagal ng 0.5–1.5 points ang gross domestic product growth mula sa baseline na 5% kung magpapatuloy ang krisis.
Binigyang-diin pa ni Guinigundo na sapat ang posibleng pagtaas ng policy rate ng 25 hanggang 50 basis points, kasama ang malinaw na forward guidance, basta’t nananatili ang kredibilidad ng polisiya.











