-- ADVERTISEMENT --

Nakatakdang pagtibayin ngayong Lunes, Mayo 4, ng House Committee on Justice ang ulat na nagrerekomenda ng Articles of Impeachment sa Senado laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay House Justice Committee Chair at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro, natapos na ng komite ang pagsusuri kung may probable cause ang mga ebidensyang iniharap sa kanila.

Lumitaw sa pagdinig ang ilang mabibigat na alegasyon, kabilang ang umano’y maling paggamit ng P612.5 milyon na confidential funds, kung saan P125 milyon umano ang nagastos sa loob lamang ng 24 na oras.

Pinuna rin ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang “envelope system” at umano’y kahina-hinalang mga resibo. Sa hiwalay na forensic analysis ng National Bureau of Investigation (NBI), lumabas umano ang pamemeke ng mga pirma.

Batay naman sa Philippine Statistics Authority (PSA), natukoy ang mga pekeng pangalan ng mga recipient, habang kinumpirma ng Commission on Audit (COA) ang disallowance na umaabot sa mahigit P73 milyon.

-- ADVERTISEMENT --

Isa pa sa mga isyung tinalakay ay ang umano’y paglobo ng yaman ni VP Sara. Ayon sa datos ng Ombudsman, nasa P88 milyon ang kanyang net worth noong 2024. Subalit sinabi ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na may natukoy silang kahina-hinalang transaksyon na umaabot sa P6.7 bilyon na umano’y kinasasangkutan ni Sara Duterte at ng kanyang asawa na si Atty. Manases Carpio.

Kasama rin sa mga paratang ang umano’y “kill threat” laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez.