-- ADVERTISEMENT --

Ipinamalas ng isang Filipino artist ang husay ng OPM sa entablado ng ASEAN Rhythms: A Cultural Celebration na ginanap sa University of California, Los Angeles, kung saan tampok ang dating The X Factor Philippines finalist na si Mark Mabasa bilang kinatawan ng Pilipinas.

Itinanghal ni Mabasa ang makabagbag-damdaming bersyon ng “Babalik Ka Rin,” na sinundan ng “Heal the World,” na kapwa tinanggap ng mainit ng mga manonood mula sa iba’t ibang bansa sa ASEAN.

Ayon kay Mabasa, isang malaking karangalan ang napili siya ng Philippine Embassy sa Los Angeles upang kumatawan sa bansa.

Aminado rin siyang nakaramdam siya ng kaba sa una dahil sa bigat ng responsibilidad, ngunit napalitan ito ng tuwa at pagmamalaki nang makita ang positibong pagtanggap ng international audience sa kanyang pagtatanghal.

Dagdag pa niya, naging espesyal ang karanasan dahil sa masiglang reaksyon ng mga manonood sa bawat pag-akyat niya sa entablado, kahit magkakaiba ang kultura at wika ng mga ito.

-- ADVERTISEMENT --