Sinabi ng abogado ng yumaong DPWH undersecretary na si Catalina Cabral na nagkaroon na ito ng naunang tangkang magpakamatay bago ang kanyang pagkamatay sa Baguio, at iginiit na isinantabi na ng pamilya ang posibilidad ng foul play.
Ayon kay lawyer Mae Divinagracia, nakaranas si Cabral ng matinding depresyon matapos ang mga imbestigasyon ng Senado at Kamara sa umano’y iregularidad sa flood control at infrastructure projects, lalo na nang siya ay matanggal sa DPWH matapos ang halos 40 taong serbisyo.
Ibinunyag ng abogado na sa kasagsagan ng mga pagdinig ay nagtangka umanong saktan ni Cabral ang sarili, ngunit napigilan at kalaunan ay dinala sa ospital. Sa kabila nito, patuloy pa rin umano itong handang humarap sa mga imbestigasyon.
Batay sa mga nakuhang ebidensiya, kabilang ang naunang self-harm attempts, mga gamot laban sa depresyon at insomnia, at mga pangyayaring nagpapakitang planado ang insidente, itinuturing ng pamilya na suicide ang pinaka-malamang na sanhi ng kanyang pagkamatay.











