Nilinaw ni Interior Secretary Jonvic Remulla na sa ngayon ay wala pang nakikitang pananagutan ang driver ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral kaugnay ng kanyang pagkamatay sa Tuba, Benguet.
Paliwanag ni Sec. Remulla na sumailalim na sa masusing interview ang driver ni Cabral na si Ricardo Muños Hernandez at sinusuri ang kanyang cellphone, at sa ngayon ay “cleared” umano ito sa imbestigasyon.
Sinabi din ng kalihim na ang kumalat na selfie ng driver at ni Cabral, ay kuha umano matapos mangako si Cabral na tutulungan ang driver na makapagpatayo ng bahay.
Sa ngayon, ayon sa mga awtoridad, ang lahat ng ebidensya sa ngayon ay tumuturo sa posibleng anggulo ng suicide.
Samantala, mas umani ng hinala ang naging kilos ng asawa ni Cabral na si Cesar Cabral, na tumangging ipa-autopsy noong una ang labi at hindi umano nagpakita ng matinding pagdadalamhati.
Ayon kay Sec. Remulla, ito ay nagpakita ng maraming red flags lalo’t matagal na umanong may lamat ang relasyon ng mag-asawa.
Kalaunan pumayag din ang mister ni Cabral na isailalim sa autopsy ang bangkay, kung saan lumabas na ang sanhi ng pagkamatay nito ay blunt force trauma dahil sa pagkahulog, at walang palatandaan ng pananakit.
Patuloy ding sinusuri ng mga awtoridad ang posibleng ugnayan ng insidente sa mga kontrobersiya sa flood control at infrastructure projects na umano’y kinasangkutan ni Cabral.











