Ipinauubaya na ni Tourism Secretary Christina Frasco sa Kongreso ang pagpapasya kung aalisin ang travel tax sa bansa.
Sa isang pulong balitaan, ipinunto ni Frasco na mayroong “quantifiable benefit” ang pagbabayad ng travel tax.
Paliwanag ng kalihim na ang travel tax ay nilikha sa bisa ng Tourism Act of 2009, kung saan 15% nito ay napupunta sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA) para suportahan ang tourism infrastructure gaya ng tourist rest areas habang ang 40% ay pumupunta sa tourism education, 10% ay sa preservation ng heritage structures sa buong bansa.
Gayunman, inihayag ng kalihim na sakaling kailangang tanggalin talaga ang travel tax ay kanilang isusulong ang pagpopondo ng pamahalaan sa tourism infrastructure.
Ayon sa kalihim, base sa World Economic Forum, lumalabas na pang-animnapu’t siyam na pwesto ang Pilipinas mula sa 117 bansa pagdating sa tourism infrastructure.
Bukod dito, idinulog din ng kalihim ang zero funding para sa bagong tourism roads para ngayong taon, kung kayat hiniling na ng DOT ang suporta ng Department of Public Works and Highways (DPWH) hinggil dito.
Una rito, isinusulong ni House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos ang House Bill 7443 para alisin ang travel tax.
Sa ilalim ng panukalang batas, tatanggalin ang travel tax na umaabot sa P2,700 para sa first class at P1,620 para sa economy class passengers.
Layunin nito na mapababa ang cost of travel para magamit ng mga pamilyang Pilipino ang kanilang pera kung saan higit na kailangan.











