Magdedeploy ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mahigit 240,000 mangagawa upang tumulong sa nakatakdang pagbubukas ng mga eskwelahan para sa SY 2026-2027.
Magsisimula ang deployment sa June 1, 2026, isang linggo bago ang aktwal na pagsisimula ng klase.
Ayon kay DOLE Secretary Francis Tolentino, dadalhin ang mga manggagawa sa iba’t-ibang lugar para tumulong sa pag-aayos ng mga pasilidad, gusali, maglinis sa palibot ng eskwelahan, at iba pang maaaring gawin, para maging maayos ang pagsisimula ng panibagong school year.
Aabot sa 5,000 eskwelahan ang target ng DOLE sa naturang programa. Ito ay katumbas ng mahigit 240,000 eskwelahan.
Pangungunahan naman ng Department of Education (DepEd) ang koordinasyon sa mga manggagawa.
Ayon kay Tolentino, ito ay isasagawa sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced Workers (TUPAD) program.
Ayon pa sa bagong kalihim, parehong makikinabang dito ang mga eskwelahan at ang mga manggagawa dahil mabibigyan sila ng sahod sa buong panahon ng kanilang deployment habang sa panig ng mga eskwelahan, may makakatuwang na ang mga ito na maglinis at maghanda para sa nalalapit na pasukan.
Kabilang sa mga pwedeng gawin ng mga TUPAD worker ay ang maglinis sa mga eskwelahan, magkumpuni ng mga kagamitan, magpintura, mag-ayos ng mga kagamitan, pasilidad, at iba pang kailangang gawin, sa supervision ng mga school management.











