Mahigit 200 katao na ang nasawi sa isinagawang joint strikes ng U.S. at Israel laban sa Iran, ayon sa ulat ng Iranian state media.
Batay sa report ng Press TV, sumampa na sa kabuuang 201 ang kumpirmadong bilang ng mga binawian ng buhay habang 747 naman ang sugatan sa 24 na lalawigan sa buong bansa.
Samantala, iniulat ng Islamic Republic News Agency (IRNA) na kabilang sa mga nasawi ang 85 katao matapos umanong tamaan ng strike ang isang girls’ school sa Minab, sa timog bahagi ng Iran.
Ayon kay Foreign Minister Abbas Araghchi, ang nasirang gusali ay isang primary school para sa mga batang babae.
Napag-alaman na ang paaralan ay may layo lamang na 60 metro mula sa isang Iranian military base at dati nang naging base militar ngunit matagal na umano itong nahiwalay simula noong 2016.
Patuloy pang inaalam ang buong lawak ng pinsala at bilang ng mga biktima habang tumitindi ang tensyon sa rehiyon.
Wala pang hiwalay na kumpirmasyon mula sa independent sources hinggil sa kabuuang bilang ng mga nasawi.
Sa kabilang banda sinabi ng tagapagsalita ng U.S. Central Command (CENTCOM), na si Tim Hawkins, na aware sila sa mga ulat ng civilian casualties at bineberipika pa ang insidente.
Binanggit niya na pangunahin ng Amerika ang proteksyon ng sibilyan at iniulat na patuloy ang lahat ng hakbang upang mabawasan ang panganib sa rehiyon.











