-- ADVERTISEMENT --

Pumanaw na ang 15-anyos na dalagitang binaril sa loob ng Sta. Rosa Integrated School noong Agosto 7, ayon sa kumpirmasyon ng kanyang pamilya nitong Miyerkules.

Sa mensaheng ibinahagi ng pinsan ng biktima, sinabi nilang bagama’t masakit ang pagkawala ng dalagita, nagpapasalamat sila na wala na itong dinaranas na sakit.

Nabatid na nagtamo ng malubhang sugat ang dalagita matapos siyang barilin sa leeg ng kanyang 18-anyos na dating nobyo sa loob mismo ng kanilang silid-aralan.

Matapos ang insidente, binaril din ng suspek ang sarili, na pumanaw makalipas ang mahigit isang araw.

Ayon sa imbestigasyon, nauwi sa trahedya ang pamamaril dahil sa kanilang paghihiwalay noong Hunyo. Lumipat pa umano ng paaralan ang biktima upang iwasan ang suspek.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala lubos na ikinabahala ng komunidad ang insidente, na muling nagpasiklab ng panawagan para sa mas mahigpit na seguridad sa mga paaralan kung saan sa pagdinig ng Commitee on Basic Education sa Senado noong Martes, Agosto 12, binanggit ng Department of Education (DepEd) ang paghihigpit nito sa lahat ng paaralan bago pumasok sa establishimento.

Kumbinsido naman si Senador Raffy Tulfo na kailangan aniyang may managot sa kapabayaan hinggil sa sunod-sunod na pamamaril sangkot ang mga mag-aaral.

Iniutos naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pag-papakalat ng tanod sa mga paaralan sa bansa tuwing papasok ang mga mag-aaral para mag-asiste sa mga ito at matiyak ang kaligtasan ng bawat isa.