Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mas pinasimple at mabilis na proseso para sa subsidiya sa kuryente at pagpapatupad ng solar net-metering para sa mga pamilyang Pilipino, lalo na ang mga nasa marginalized sector.
Sa ginanap na “Collective Response to Presidential Commitments In the Energy Sector” sa Meralco Theater, binigyang-diin ng Pangulo na layunin ng administrasyon na gawing abot-kaya at maaasahan ang serbisyo ng kuryente sa pamamagitan ng pagtatanggal ng mga kumplikadong burukrasya.
Ipinahayag ng Pangulo ang pagpapatupad ng automatic registration ng lahat ng benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa ilalim ng Lifeline Rate Subsidy Program (LRSP).
Ayon sa Pangulo, nasa 334,000 lamang o 11 porsiyento ng kabuuang 3 milyong benepisyaryo ng 4Ps ang nakikinabang sa diskwento dahil sa dati ay komplikadong mga rekisito.
Giit ng Pangulo, hindi dapat ang Pilipino ang naghahabol sa tulong kundi ang tulong ang dapat ang lumapit sa mga Pilipino.
Sa ilalim ng bagong threshold, ang mga pamilyang 4Ps na kumokonsumo ng 50 kilowatt-hour (kWh) pababa kada buwan ay makatatanggap ng 100 porsiyentong diskwento sa kanilang bill. Maaari ring mag-apply ang mga pamilyang pasok sa poverty threshold kahit hindi sila miyembro ng 4Ps.
Bukod sa subsidiya, binuksan din ng Pangulo ang mas mabilis na pintuan para sa Net-Metering Program.
Ang programang ito ay nagpapahintulot sa mga kabahayan na may solar panels na ibenta ang kanilang sobrang kuryente pabalik sa grid upang mabawasan ang kanilang babayarin.
Nagpalabas ng Joint Memorandum Circular ang DOE, DILG, at DPWH para sa paggamit ng standardized application forms sa mga LGU.
Inatasan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang mga distribution utilities (DUs) na tapusin ang proseso ng koneksyon sa loob lamang ng 20 working days.
Kinilala rin ng Punong Ehekutibo ang mahalagang papel ng MERALCO sa pagsusulong ng mga layuning ito, kabilang ang Terra Solar Project na magpapalawak sa renewable energy capacity ng bansa sa pamamagitan ng large-scale solar at battery storage.
Hinimok ni Pangulong Marcos ang lahat ng mga Pilipino na samantalahin ang mga bagong inisyatibong ito upang matiyak ang mas matatag at mas murang suplay ng enerhiya para sa kanilang mga pamilya.











