Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing mas abot-kaya at mas madali ang pagpapakabit ng solar panel sa mga bahay upang maibsan ang mataas na singil sa kuryente ng mga Pilipino.
Ito ang binigyang-diin ni Executive Secretary Ralph Recto.
Sinabi ni Recto na pinakilos na ng Pangulo ang mga pampublikong institusyon kabilang ang GSIS, SSS, Pag-IBIG Fund, LANDBANK, at DBP upang mag-alok ng murang pautang para sa mga pamilyang walang sapat na puhunan sa pagpapakabit ng solar.
Tututukan umano rito ang Visayas at maliliit na isla na madalas makaranas ng brownout.
Sa kasalukuyan, nag-aalok ang GSIS ng hanggang P500,000 na solar loan na may 5% interes kada taon, habang may hanggang P300,000 naman ang Pag-IBIG na may 3% interes.
Nakatakda ring maglabas ng sariling solar loan ang SSS at ang LANDBANK sa unang bahagi ng 2027.
Bukod sa mababang hulugan, ipinag-utos din ng Pangulo ang pagtatanggal sa red tape at sobrang daming rekisitos sa pagpapakabit ng solar.
Giit ni Recto, ang matitipid sa singil sa kuryente ay direktang makapagpapabayad sa pautang at magsisilbing dagdag na pambili ng pagkain at baon ng mga pamilya.
“Isang gustong patutukan ng Presidente ay ang Visayas at mga maliliit na mga isla. Lalo na doon sa pineperwisyo ng madalas na blackouts. Ang solusyon: Bawa’t bahay may energy generator sa bubong,” pahayag ni ES Recto.











