-- ADVERTISEMENT --

Kinuwestiyon ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang kawalan ng kumpletong listahan ng mga natitirang testigo ng kampo ni Vice President Sara Duterte, matapos dalawang pangalan lamang ang isumite ng depensa para sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa Disyembre 1.Serbisyo Publiko

Ayon kay Ridon, inaasahan ng prosekusyon ang nasa apat hanggang anim na testigo mula sa depensa mula sa orihinal na walo hanggang sampung ipinangako nito kung saan apat pa lamang ang nakakatestigo.

Sa inihaing manifestation ng depensa noong Nobyembre 25, tanging sina Bureau of Customs Deputy Commissioner Agaton Teodoro Uvero at Dr. Lourdes Tingson-Lebosada, na kasosyo sa negosyo ng asawa ni Duterte na si Atty. Manases “Mans” Carpio, ang tinukoy na haharap sa korte.

Nakatakdang magpatuloy ang pagdinig ng Senate impeachment court mula Disyembre 1 hanggang 4, kung saan obligadong magsumite ng abiso ang depensa limang araw bago humarap ang kanilang mga testigo.

Inaasahang tatalakayin nina Uvero at Tingson-Lebosada ang mga rekord sa pag-export, operasyon, at transaksyong pinansyal ng Cale88 Foods Corp. isang kumpanyang iniimbestigahan dahil sa hindi tugmang deklarasyon ng kita at pumasok na pera sa bangko.

-- ADVERTISEMENT --

Umaasa si Ridon na maghaharap ang depensa ng mga testigong direktang makasasagot sa mga tanong ng senator-judges tungkol sa Cale88 at hindi lalong magdidiin sa Bise Presidente.

Bagama’t may karapatan pa ang depensa na magdagdag ng mga testigo alinsunod sa patakaran ng korte, tiniyak ng prosekusyon na bubusisiin nila ang bawat testimonya at ebidensyang ihaharap kaugnay ng Article II.