Nangako si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na tutugunan ang mga pangunahing pangangailangan sa pag-unlad ng Zamboanga Sibugay, kabilang ang mas maayos na serbisyong pangkalusugan, edukasyon, at transportasyon.
Sa ginanap na “LegisHear” town hall meeting sa Ipil, tiniyak ni Dy kay Gov. Dulce Ann Hofer at sa mga lokal na mambabatas na personal niyang ilalapit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang hiling ng lalawigan para sa mas maaasahang mga ospital, lalo na para sa mga kapos-palad.
Binigyang-diin din ng lider ng Kamara ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sariling state college sa probinsya upang matiyak na makapagtatapos ang mga kabataan at hindi maging hadlang ang kahirapan sa kanilang pag-aaral.
Bukod dito, nangako si Dy na makikipagtulungan sa mga lokal na opisyal upang mapaganda ang mga kalsada at magkaroon ng regular na biyahe ng eroplano sa kanilang paliparan, kasabay ng pagtitiyak ng suporta para sa mga magsasaka ng goma at niyog sa lugar.
Ang nasabing konsultasyon ay bahagi ng programang LegisHear: Bawat Batas Mahalaga ng Kamara de Representantes na naglalayong ilapit ang serbisyo ng gobyerno at direktang pakinggan ang pangangailangan ng mga komunidad sa buong bansa.











