Personal na nagtungo ngayong araw, Biyernes, October 23, sa Office of the City Prosecutor sa Davao City si Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte upang pormal na magsampa ng libel complaint laban sa ilang mamamahayag at media executives.
Batay sa complaint-affidavit, kabilang sa mga pinangalanan sa reklamo sina National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag, Rodulfo Gracioso Jr., Felipe L. Gozon, Gilberto R. Duavit Jr., Mel Tiangco, Vicky Morales, Emil Sumangil, Darlene Cay, Marvin Parado, Joel San Luis, at John at Jane Does.
Kaugnay ang reklamo sa kontrobersiya tungkol sa alegasyon ni Gracioso na naghatid siya ng mga maleta na naglalaman umano ng pera sa pamilya Duterte.
Itinanggi naman ng kampo ng pamilya Duterte ang nasabing alegasyon.
Ang naturang legal na hakbang ay kasunod ng naunang kontrobersya kung saan tahasang tinuligsa at inakusahan ni Vice President Sara Duterte ang GMA News sa hindi umano pag-verify sa mga pahayag ng natanggal sa serbisyong pulis na si Rodulfo Mondigo Gracioso Jr.Balitang lokal
Ipinagtanggol ng Pangalawang Pangulo ang kaniyang sarili laban sa mga paratang ni Gracioso kaugnay ng kaniyang pagbisita sa Northern Samar noong Mayo 2022 at sa diumano’y pagtanggap ng pera, habang iginiit na ang mga pampublikong larawan kasama si Gracioso ay hindi patunay ng personal na relasyon o anumang ilegal na gawain.











