Naging generally peaceful ang isinagawang kilos-protesta ng iba’t ibang progresibong grupo bilang paggunita sa ika-54 anibersaryo ng Martial Law sa Maynila, ayon kay PBGen. Arnold Santiago, District Director ng Manila Police District (MPD).
Ayon kay Santiago, naging maayos ang kabuuang daloy ng mga aktibidad at programa ng mga grupong lumahok sa paggunita. Gayunman, nagkaroon ng panandaliang tensyon sa pagitan ng mga pulis at dalawang estudyanteng nakilahok sa programa ng protesta sa Mendiola.
Agad namang naresolba ang insidente at ibinalik sa dalawang estudyante ang kanilang mga cellphone na naunang nakumpiska ng mga awtoridad.
Samantala, dakong alas-5:30 ng hapon nang magmartsa patungong Mendiola ang mga grupong nagtipon sa Liwasang Bonifacio upang doon ipagpatuloy ang kanilang programa.
Pagdating sa Mendiola, nakipag-usap ang mga lider ng iba’t ibang grupo sa mga kinatawan ng pulisya. Matapos ang pag-uusap, pinayagan ang mga grupo na ituloy ang kanilang programa sa lugar.
Tumagal nang mahigit 30 minuto ang programa bago ito natapos at walang naiulat na malaking kaguluhan.











