Pinabulaanan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang mga kumakalat sa social media na umano’y overpriced ang kanilang ipinamahaging relief goods.
Ayon sa ahensya, ₱797.80 lamang ang halaga ng bawat Family Food Pack at hindi ₱1,503.84 gaya ng sinasabi sa ilang post.
Paliwanag ng DSWD, isinagawa ang competitive bidding at idineklarang panalo ang 2Go Global International Corporation matapos mag-alok ng pinakamababang presyo na ₱797.80 kada kahon.
Kasama na sa halagang ito ang packaging materials, delivery at manpower. Naglalaman naman ang bawat food pack ng anim na kilo ng vacuum-packed rice, apat na lata ng corned beef, apat na lata ng tuna, dalawang lata ng sardinas, limang sachet ng 3-in-1 coffee, at limang sachet ng powdered choco malt drink.
Tiniyak ng DSWD ang transparency sa mga transaksyon nito at sinabi nitong maaaring suriin ng publiko ang kumpletong bidding documents sa kanilang opisyal na procurement portal.











