Kinuwestiyon ni House prosecution spokesperson at Kabataan Party-list Rep. Renee Louise Co ang paghawak ni Vice President Sara Duterte sa confidential funds, na aniya’y tila “pera muna bago plano.”
Ayon kay Co, lumitaw sa impeachment trial ang mga kuwestiyon sa physical at financial plans ng Office of the Vice President (OVP), kabilang ang umano’y magkakapareho at malabong detalye sa mga dokumento.
Sa testimonya ni OVP Assistant Secretary Lemuel Ortonio, sinabi niyang walang confidential fund ang OVP nang maupo si Duterte noong Hulyo 2022. Gayunman, humiling ito ng P250 milyon sa Department of Budget and Management (DBM) wala pang dalawang buwan matapos nito.
Naglabas ang DBM ng P125 milyon para sa huling quarter ng 2022. Noong 2023, nakatanggap pa ang OVP ng tatlong tig-P125 milyon, o kabuuang P500 milyon na confidential funds para sa nasabing panahon.
Para kay Co, dapat may malinaw na plano bago gamitin ang pondo ng bayan, pati maayos na accounting upang malaman kung saan talaga ito napunta.
Iginiit ni Co na may kapangyarihan ang Senate impeachment court na humingi ng karagdagang dokumento kung kinakailangan upang masuri nang buo ang isyu.











