Sinimulan na ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) ang turnover ng mga dokumento sa Office of the Ombudsman, kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na natupad na ng komisyon ang layunin nito.
Dalawang truck ng pulisya na may dalang mga dokumento kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects ang dumating sa tanggapan ng Ombudsman sa Quezon City kahapon, Marso 12.
Dumating din si ICI Executive Director Brian Keith Hosaka para sa pakikipagpulong sa mga opisyal ng ahensya.
Matatandaan, itinatag ang ICI sa pamamagitan ng Executive Order No. 94 noong Setyembre 15, 2025, na may probisyong maaaring buwagin ang komisyon kapag natupad na ang layunin nito.
Bilang fact-finding body, nagsagawa ang ICI ng mga pagdinig, pagtanggap ng testimonya, at pagsusuri ng mga ebidensya bago magrekomenda ng pagsasampa ng kaso sa Ombudsman o Department of Justice.
Noong Pebrero 6, iniharap ng komisyon sa Malacañang ang kanilang 125-day report na nagresulta sa pagsasampa ng kaso laban sa mahigit isang dosenang indibidwal, kabilang ang dating mga mambabatas at opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at pag-freeze ng ari-ariang nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱25 bilyon.
Sa kabuuan, nakapaglabas na ang ICI ng siyam na referral na nagrerekomenda ng kasong kriminal at administratibo laban sa 65 indibidwal, kabilang ang mga opisyal ng DPWH, Commission on Audit, at ilang contractor.
Sa kasalukuyan, tanging si ICI chairperson Andres Reyes na lamang ang natitirang miyembro ng komisyon matapos magbitiw noong Disyembre ang dalawang commissioner na sina Rogelio Singson at Rossana Fajardo.











