Mariing itinanggi ni dating ACT Teachers Party-List Rep. France Castro ang paratang na siya umano’y tumanggap ng male-maletang pera mula kay dating Cong. Zaldy Co.
Ayon kay Castro sa panayam ng Bombo Radyo, ito ay isang “orchestrated scheme ng mga Duterte supporters” na layong ilihis ang atensyon ng publiko mula sa mga kasong kinakaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) at sa mga panawagang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Binigyang-diin ni Castro na organisadong taktika lamang ang mga kumakalat na alegasyon, na katulad ng mga naunang harassment cases na isinampa laban sa kanya.
Noong nakaraang taon, sinabi rin ni Castro na ang Duterte political dynasty ang nasa likod ng mga contrived ethics complaints laban sa kanya, bilang paraan upang takpan ang umano’y katiwalian at pag-abuso sa confidential at intelligence funds (CIF).
Dagdag pa niya, malinaw na ginagamit ang mga ganitong akusasyon upang siraan ang mga kritiko ng administrasyon at pahinain ang Makabayan bloc.
Sa kabila nito, nanindigan si Castro na patuloy niyang ipaglalaban ang transparency at accountability sa pamahalaan, lalo na sa paggamit ng pondo para sa mga proyektong imprastruktura at serbisyong panlipunan.
Sa kasalukuyan, mainit pa ring tinatalakay sa Kongreso at sa publiko ang tinaguriang maleta scandal, kung saan ilang dating sundalo ang nagsabing nakasaksi sila ng umano’y paghahatid ng kickbacks mula sa flood control projects.
Ngunit para kay Castro, malinaw na ito ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng paninira laban sa mga progresibong mambabatas.











