Inihayag ng Department of Agriculture (DA) na pinag-aaralan nito ang pagtaas ng taripa sa artificial sugars bilang karagdagang hakbang upang palakasin ang demand para sa lokal na asukal.
Kamakailan ay nagpasya ang DA na palawigin ang ban sa sugar importation hanggang Disyembre 2026 upang protektahan ang mga lokal na magsasaka at industriya ng asukal.
Ayon sa DA, ang mataas na paggamit ng mga imported sweeteners gaya ng high-fructose corn syrup ay nakakaapekto sa demand ng lokal na tubo.
Ang posibleng pagtaas ng taripa ay nakikitang paraan upang bawasan ang pagpasok ng mga synthetic sweeteners sa merkado.
Batay sa datos ng Sugar Regulatory Administration (SRA), bumubuti na ang supply ng lokal na asukal ngunit nananatiling hamon ang mababang presyo dahil sa kompetisyon mula sa artificial sugars.
Sa kasalukuyan, nananatiling mataas ang presyo ng refined sugar sa merkado, na umaabot sa P90–P100 kada kilo, dahilan upang mas piliin ng ilang manufacturers ang mas murang artificial substitutes.
Iginiit ng DA na layunin ng mga hakbang na ito na tiyakin ang self-sufficiency ng bansa sa asukal at mapanatili ang kita ng mga lokal na magsasaka.
Pinayuhan din ng ahensya ang publiko na suportahan ang lokal na produkto upang mapalakas ang industriya ng asukal sa harap ng global competition.











