Inihayag ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy na hindi pa na-transmit ng Office of the Secretary General sa kaniyang opisina ang anumang impeachment complaint na inihain laban kay Vice President Sara Duterte.
Kasalukuyan ngang mayroong dalawang panibagong impeachment complaints laban sa Bise President na inihain ng civil society leaders at mga miyembro ng left-wing coalition noong araw ng Lunes, Pebrero 2.
Ito ay kasunod ng desisyon ng Korte Suprema noong nakalipas linggo kung saan pinagtibay nito na “unconstitutional” o labag sa batas ang Articles of Impeachment laban sa Bise Presidente dahil sa paglabag sa one-year bar rule at hindi pagbibigay ng due process sa Pangalawang Pangulo.
Base sa dalawang reklamo, inaakusahan si VP Sara ng misuse of public funds sa ilalim ng kaniyang termino bilang kalihim noon ng Department of Education (DepEd) gayundin binuhay ang alegasyon ng pagbabanta ng Pangalawang Pangulo na i-assassinate ang Pangulo, bagay na itinanggi na ni VP Sara.











