-- ADVERTISEMENT --

Binanatan ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson si Senadora Imee Marcos, at sinabi niyang hindi nakaka-Pilipino ang mga paratang na ibinato niya sa kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa isang malaking pagtitipon na gumagamit ito ng illegal na droga.

Sa ikalawang araw ng kontra-katiwalian rally ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Quirino Grandstand kagabi, inakusahan ni Senadora Imee si Pangulong Marcos at maybahay nito na si First Lady Liza Araneta Marcos, na gumagamit umano ng ilegal na droga.

Giit ni Lacson, nawalan siya ng bilib kay Sen. Imee matapos ilaglag at siraan ang kapatid sa harap ng daang libong tao.

Aniya, ang ganitong klaseng hindi pagkakasunduan ng magkapatid ay inaayos sa bahay, kaya hindi katanggap-tanggap bilang isang Pilipino ang ginawa niyang paninira sa pangulo.

Samantala, nang tanungin kung ano ang maaaring motibo sa ginawa ni Sen. Marcos, sinabi ni Lacson na wala nang ibang motibo kundi pulitika.

-- ADVERTISEMENT --

“Pulitika, wala namang iba. Wala akong makitang motibo. Bakit mo sisiraan ang sarili mong kapatid sa harap ng daan daang libong tao?” saad ni Lacson.