-- ADVERTISEMENT --

Hindi lang Metro Manila ang nanganganib sa tinatawag na “Big One.”

Ayon sa Phivolcs, may banta rin ng malakas na lindol sa Negros Island dahil sa Negros Trench, na kayang magdulot ng magnitude 8.2 na lindol.

Paliwanag ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol, ang Negros Trench ay matatagpuan sa kanlurang bahagi ng Negros Island, hilaga ng Sulu Trench, at may habang 400 kilometro. Kung gumalaw ito, maaaring maramdaman ang lindol sa buong Negros, at magdulot ng tsunami sa kanlurang baybayin ng Negros at Panay, na posibleng umabot pa sa Palawan at Zamboanga.

Binalaan din ni Bacolcol ang mga nakatira malapit sa dagat na kilalanin ang mga natural na senyales ng tsunami tulad ng malakas na pagyanig, biglang pag-atras ng tubig, at malakas na ugong mula sa dagat.

Kapag naranasan ang alinman dito, tumakbo agad sa mataas na lugar at huwag mag-aksaya ng oras sa pagkuha ng litrato.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nananatiling nanganganib ang Metro Manila sa posibleng magnitude 7.2 na lindol mula sa West Valley Fault, bilang bahagi ng natural seismic cycle.