Kapwa bumagsak sa katubigan ng South China Sea sa magkahiwalay na insidente ang isang US Navy helicopter at fighter jet hapon nitong Linggo, Oktubre 26.
Sa isang statement na inilabas ng US Pacific Fleet ngayong Lunes, Oktubre 27, ang unang crash incident ay sangkot ang isang US Navy MH-60R Sea Hawk helicopter, na nakatalaga sa “Battle Cats” ng Helicopter Maritime Strike Squadron 73.
Bumagsak ang naturang helicopter sa disputed waters habang nagsasagawa ng routine operations mula sa aircraft carrier na USS Nimitz.
Ligtas namang narekober ng search and rescue assets mula sa Carrier Strike Group ang lahat ng tatlong crew members.
Kasunod ng insidente, nasa 30 minuto ang nakakalipas, bumagsak naman sa disputed waters ang F/A 18F Super Hornet fighter na nakatalaga sa Fighting Redcocks ng Strike Fighter Squadron 22 habang nagsasagawa rin ng routine operations mula sa Nimitz.
Matagumpay namang nakuha ang crew members at ligtas na narekober ng search and rescue assets mula sa Carrier Strike Group 11.
Lahat ng personnel na sangkot sa nasabing mga insidente ay ligtas at nasa mabuti nang kondisyon.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ang dahilan ng pagbagsak ng US Navy helicopter at fighter jet.











