Nahaharap sa panibagong patung-patong na reklamo ang sinibak na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo o may Chinese name na Guo Hua Ping.
Ito ay matapos maghain ng dalawang magkahiwalay na reklamo ang National Bureau of Investigation (NBI) – Bulacan South District Office (NBI BUSDO) laban kay Guo at umano’y kaniyang pamilya dahil sa palsipikasyon ng public documents kaugnay sa mga pagtatayo ng negosyo at pagbili ng real property sa Marilao, Bulacan.
Kasama sa umano’y pamilya ni Guo na sinampahan ng reklamo ay sina Mier Zhang alias Shiela Leal Guo at Lin Wen Yi, ang hinihinalang tunay na ina ni Alice Guo, base sa lumabas na imbestigasyon noon ng Senado.
Kabilang sa mga kinakaharap nilang reklamo ay 30 bilang ng falsification of public documents para sa pagpalsipika ng Articles of Corporation, Secretary’s Certificate at 2021 General Information Sheet ng mga korporasyon, 30 bilang ng Simulation of Minimum Capital Stock sa ilalim ng Anti-Dummy Law at 4 na bilang ng falsification of Public Documents dahil sa pamemeke ng mga aplikasyon para sa business occupancy at building permits.
Gayundin, inihain kina Guo ang 6 na bilang ng Falsification of Public Documents para sa pagpalsipika ng Deed of Sale at Documentary Stamp kaugnay sa pag-aari ng real property.
Una rito, lumabas sa imbestigasyon ng NBI na incorporators si Alice Guo at iba pang miyembro ng kaniyang pamilya ng ilang mga kompaniya na may iisang address sa Maligaya Street, Barangay Patubig, Marilao, Bulacan.
Lumalabas na binili ni Alice Guo ang naturang property noong Oktubre 5, 2010 sa halagang P2 million na may lawak na mahigit 4,000 squre meters.
Base din sa nakalap na documentary evidence, idineklara nina Alice, Shiela at Siemen ang kanilang sarili bilang mga Pilipino sa Articles of Incorporation ng nabanggit na mga kompaniya, na may hawak ng mayorya ng shares.
Habang sina Guo Jian Zhong at Lin Wen Yi ay co-incorporators sa naturang mga kompaniya.