-- ADVERTISEMENT --

Ipinaliwanag ni Vice President Sara Duterte na sinadya niyang huwag nang makipagkita kay dating Vice President at ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo sa kanyang pagbisita sa Naga City kamakailan para sa Peñafrancia Festival.

Ayon sa Bise, nais niyang protektahan si Robredo mula sa mga batikos na maaring ibato sa kanya ng mga kaalyado nito matapos ang kanilang pagkikita, gaya ng nangyari noong nakaraang taon.

“Noong nagkita kami sa bahay niya, binanatan siya ng mga kasama niya — mga yellow, mga pink, lalo na ni dating Senador Trillanes,” ani VP Duterte sa isang ambush interview matapos ang pagdinig ng panukalang budget ng Office of the Vice President sa Kongreso.

Tinanong din si Duterte kung nagkausap ba sila sa telepono ni Robredo, sagot lang ng Bise na: “Hindi po. Wala kaming number sa isa’t isa.”

Magugunitang dumalo si Duterte sa Marian procession noong Setyembre 14 bilang bahagi ng Peñafrancia Festival, ang pinakamalaking Marian celebration sa bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Bumisita rin siya sa Porta Mariae Museum at sumali sa tradisyunal na “Pagmamanto” para humiling ng proteksyon.

Matatandaang noong nakaraang taon, nagkita sina Duterte at Robredo sa Naga City sa panahon ng kaparehong pagdiriwang.