Sinabi ni Vice President Sara Duterte na nakipagsabwatan umano ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa International Criminal Court (ICC) upang ipaaresto ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kinalaman sa kanyang ‘war on drugs’.
Sa kanyang talumpati sa Free Duterte Now rally sa The Hague, iginiit ni VP Duterte na may politikal motives sa likod ng pagkakaaresto sa kanyang ama noong Marso 11 sa Pilipinas. Aniya, ang ICC at ang kasalukuyang administrasyon ay nagkuntsaba upang alisin sa eksena ang dating pangulo na isa sa mga pinaka-vocal na kritiko ni PBBM.
Ayon pa sa kanya, walang sapat na batayan ang pagkakakulong ng ama sa Scheveningen Prison sa The Hague at ang mga akusasyon aniya ng extrajudicial killings (EJK) ay base lamang sa mga tsismis.
Nanindigan din siya na ang ICC ay nakikialam sa pamamahala ng Pilipinas at may sariling “agenda” para mapanatili ang suporta at pondo mula sa ibang bansa.
Samantala, tumanggi ang ICC spokesperson na si Fadi El Abdallah na magbigay ng komento sa mga pahayag ni VP Duterte, at iginiit na ang ICC ay isang judicial institution at ang anumang isyu ay dapat idulog sa mga hukom ng korte.
Inakusahan din ni Sara Duterte si Pangulong Marcos na nagkukunwaring mabait sa publiko.
Dagdag pa niya, wala umano siyang nakikitang matagumpay na proyekto ng kasalukuyang administrasyon.
Patuloy ang panawagan ng Pangalawang Pangulo para sa agarang pagpapalaya at pagbabalik sa bansa ng kanyang ama, sabay iginiit ang karapatan ng mga Pilipino na magpasya para sa kanilang bayan.