-- ADVERTISEMENT --

Inihain ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ng Ilocos Norte ang House Bill No. 8190 o ang panukalang “Anti-Road Rage Act” na naglalayong ituring na krimen ang road rage at magpataw ng mas mabigat na parusa laban sa agresibo at mapanuyang pagmamaneho.

Ayon kay Marcos, malinaw na paghihiwalayin ng panukala ang karaniwang paglabag sa trapiko at ang sinadyang mga aksyong naglalagay sa panganib sa buhay at ari-arian.

Aniya, kapag nauwi sa galit ang insidente sa kalsada, hindi lamang ang sangkot ang naaapektuhan kundi pati mga inosenteng commuter at pedestrian.

Sa ilalim ng panukala, ang road rage ay anumang sinadya at agresibong kilos ng driver o sakay ng sasakyan kaugnay ng insidente sa trapiko na may layuning manakot, magbanta, manggulo o manakit, at nagdudulot ng malinaw na panganib sa buhay o ari-arian. Kabilang dito ang mapanganib na pagmamaneho, pananakot gamit ang sasakyan, at pagbabanta o pananakit kaugnay ng alitan sa kalsada.

Kapag napatunayang nagkasala may kaakibat itong parusang pagkakakulong ng anim na buwan at isang araw hanggang isang taon o multang P20,000 hanggang P100,000, o pareho, kung walang nasaktan o napinsala.

-- ADVERTISEMENT --

Kapag may pinsala sa ari-arian o may nasugatan, tataas ang parusa sa dalawa hanggang apat na taong pagkakakulong o multang P100,000 hanggang P200,000, o pareho.

Kung magreresulta sa malubhang pinsala o kamatayan, isasampa ang kaso bilang intentional felony sa ilalim ng Revised Penal Code, na may pinakamataas na parusa at karagdagang multang P200,000 hanggang P500,000, bukod pa sa civil liability.

Inaatasan din ang mga mapapatunayang nagkasala na sumailalim sa anger management training na tutukuyin ng hukuman, katuwang ang MMDA at PNP. Itatakda ang pinakamataas na parusa kung may ginamit o ipinakitang baril o nakamamatay na sandata, kung menor de edad, buntis, senior citizen o person with disability ang biktima, o kung unipormadong tauhan ang sangkot.

Ayon sa panukala, agad na masususpinde ang lisensya ng akusado habang iniimbestigahan ang kaso at tuluyang mawawalan ng bisa kapag napatunayang may sala.

Awtomatiko ring babawiin ang lisensya sa pagdadala ng baril kung mayroon ang nagkasala.

Sa nasabing panukala, inaatasan ang PNP, katuwang ang MMDA, LTO, LTFRB at DOJ, na bumuo ng implementing rules and regulations sa loob ng 90 araw mula sa bisa ng batas, na magkakabisa 15 araw matapos mailathala.