-- ADVERTISEMENT --

Patay ang isang babae na umanoy natumba at pumailalim sa paparating na pick-up truck sa lungsod ng San Jose Del Monte.

Sa report, kinilala ang biktima na si Robie, residente ng Brgy. Bigte, Norzagaray.

Naganap ang insidente bandang alas 8:30 ng umaga ng Hunyo 30,2025 sa kahabaan ng Tialo, Brgy. Minuyan Proper.

Sa Facebook post na nag-viral tungkol dito, nakitang bumangon pa ang biktimang halos nangingisay matapos masagasaan ng puting Toyota HiLux at ilang saglit pa ay napahandusay muli sa kalsada.

Nabatid na dinala ng mga nag-rescue ang biktima sa kalapit na ospital para sa paunang lunas subalit binawian na ito ng buhay.

-- ADVERTISEMENT --

May mga netizen na nagsasabing natumba muna ang babae hanggang sa pumailalim at posibleng nasagi umano kaya natumba at aksidenteng nasagasaan.

Bumuhos ang pakikiramay ng mga netizen na nakakakilala sa biktimang kaka-graduate lamang umano sa kursong civil engineering at nakatakdang mag-exam para maging ganap na engineer.