Pinarangalan ang 89 na miyembro ng Philippine contingent na pinadala sa Myanmar noong Abril matapos tumama ang malakas na magnitude 7.7 na lindol sa isinagawang recognition ceremony sa Camp Aguinaldo ngayong Biyernes, Hulyo 4.
Ang Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent ay binubuo ng mga personnel mula sa iba’t ibang mga ahensiya ng gobyerno.
Binigyan ng pagkilala ang 21 personnel mula sa Armed Forces of the Philippines, 10 mula sa Bureau of Fire Protection, 10 mula sa Metro Manila Development Authority, 14 mula sa Department of Environment and Natural Resources, 31 mula sa Department of Health at 3 mula sa Office of the Civil Defense.
Ang PH contingent ay umasiste sa search and rescue operations sa Myanmar.
Sa kaniyang mensahe, sinabi ni OCD officer-in-charge ASec. Bernardo Rafaelito Alejandro IV na ang suporta ng mga ahensiya ng gobyerno ay sumasalamin sa hindi natitinag na diwa ng pagkakaisa hindi lamang sa mga komunidad sa bansa kundi maging sa mga karatig na bansa sa panahon ng pangangailangan.
Pinapalalim din aniya nito ang kooperasyon ng mga ahensiya, pagkakaisa at pagiging episyente na mahalaga sa pagresponse sa malawakang kalamidad sa bansa at sa ibayong dagat.
Samantala, sinabi naman ni Defense Secretary at NDRRMC Chairperson Gilbert Teodoro na nagsilbing Guest of honor na nagbibigay ng katiyakan ang deployment ng PH contingent na maaasahan ang tulong sa panahon na tumama ang mga kalamidad o hamon sa ating bansa