-- ADVERTISEMENT --

Ibinunyag ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na hindi bababa sa limang Cabinet secretary ang may allocables na umaabot sa bilyong piso sa kontrobersyal na 2025 national budget.

Ayon kay Lacson, batay ito sa mga dokumentong nakuha niya mula sa yumaong dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral. Isa umano sa mga lumitaw sa dokumento ay si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, na may allocables na mahigit 30.5 bilyong piso para sa 2025.

Binanggit din ng Senador na may entry na “ES, P8 bilyon,” na umano’y tumutukoy kay dating Executive Secretary Lucas Bersamin. Aniya, nakapagtataka kung bakit may allocables ang mga Cabinet secretary, gayong para umano ito sa mga mambabatas.

Posibleng ipatawag sa Senate Blue Ribbon Committee ang mga naturang opisyal kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects, kapag na-beripika na ang mga dokumento at ang Special Allotment Release Orders na may petsang Disyembre 27, 2024.

Ang naturang rebelasyon ay kasunod ng pahayag ni Batangas Rep. Leandro Leviste, na unang nagsiwalat na may mga matataas na opisyal ng gobyerno na umano’y sangkot sa 2025 infrastructure budget insertions.

-- ADVERTISEMENT --