Nanindigan ang Philippine Olympic Committee (POC) na tagumpay ang kampaniya ng Pilipinas sa katatapos na Southeast Asian Games 2025, sa kabila ng pagtatapos ng bansa sa ika-anim na pwesto.
Ito ay sa kabila ng bansag ng mga kritiko na nabigo ang bansa sa pinasukan nitong turneyo.
Paliwanag ng POC, umabot sa 233 ang gintong medalya ng host country na Thailand. Ito ay mas mataas ng 142 kumpara sa 2nd runner-up na Indonesia.
Malayong mas mataas ang bulto ng silver at bronze medal na nakuha ng Pilipinas, lalo na at madalas na nakalaban ng Pilipinas ang host country sa gold match.
Ayon pa sa POC, naipanalo ng Pilipinas ang pinakamahihirap na gintong medalya.
Kinabibilangan ito ng dalawang ginto sa basketball (men’s at women’s) na pinakatumatatak sa isipan ng mga Pinoy.
Nakuha rin ng Pilipinas ang ginto sa football, at beach volleyball, kasama ang makasaysayang panalo sa softball, baseball, at tennis.
Nagawa rin ng Filipino athletes na buwagin ang record sa ilang sports events tulad sa swimming kung saan naging dominante ang panalo ni Kyla Sanchez. Ang naturang panalo, ayon sa POC, ay mistulang pagpukaw sa taunang pagdomina ng ibang mga bansa tulad ng Singapore at Vietnam.
Giit ng POC, gumawa ng kasaysayan ang Team Philippines sa katatapos na SEAG, at ang panalo ng mga atletang Pinoy ay patunay ng commitmment ng bansa na mapagbuti pa ang record ng bansa.










