Pinaniniwalaang nasa Portugal si dating Ako Bicol Representative Elizaldy “Zaldy” Co sa gitna ng nagpapatuloy na pag-aresto sa mga sangkot sa umano’y anomalya sa flood control projects sa Oriental Mindoro, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Lunes.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, posibleng may dalawang passport si Co kabilang ang isang Portuguese passport na umano’y nakuha niya “maraming taon na ang nakalilipas.” Ani Remulla, kanselado na umano ang kanyang Philippine passport, ngunit nagdudulot ng komplikasyon ang umano’y pagkakaroon niya ng dual travel documents.
Wala ring extradition treaty ang Pilipinas at Portugal, kaya’t posibleng maging hamon ang paghuli kung mapapatunayang nasa bansang iyon ang dating kongresista.
Gayunpaman ipinasa na ng DILG sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang usapin ng extradition.
Nanawagan din si DILG chief sa mga Pilipino sa abroad na agad na i-report, kuhanan ng larawan, at i-post online kung makikita si Co upang makatulong sa pagtukoy sa kanyang kinaroroonan.
Noong Nobyembre 21, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may inilabas nang warrants of arrest laban kay Co at 15 iba pa, kabilang ang ilang opisyal ng DPWH at Sunwest Corp..
Ito’y kasunod ng pagsasampa ng Ombudsman ng kasong corruption at malversation of public funds sa Sandiganbayan kaugnay ng umano’y anomalya sa P289 million flood control project sa Oriental Mindoro.











