Kinumpirma ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na naghahanda siya ng kasong cyber libel laban kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, matapos ang serye ng video posts ng dating kongresista na nag-uugnay kay First Lady Liza Araneta-Marcos sa umano’y anomalya sa importasyon at distribusyon ng mga produktong agrikultural.
Mariing itinanggi ni Tiu Laurel ang paratang na siya ay nakialam upang ipatigil ang mga naunang imbestigasyon sa bigas at sibuyas matapos mabanggit ang pangalan ngfirst lady.
Tinawag pa niya si Co na “napakasinungaling” at inilarawan ang mga akusasyon bilang “fabricated lie” at “total baloney.”
Matatandaang si Co ay nagbitiw bilang kinatawan ng Ako Bicol Party-list at naglabas ng mga video kung saan inakusahan niya ang First Family ng pakikialam sa mga congressional inquiries hinggil sa 2022 onion price crisis at 2024 rice price inquiry.
Kabilang sa kanyang binanggit ang pagbaba ng taripa sa imported rice na aniya’y hindi nakapagpababa ng presyo sa merkado.
Giit ni Tiu Laurel, maraming sektor ang nagmungkahi ng adjustment at hindi totoo na si Co lamang ang nagbigay ng rekomendasyon.
Sa panig ng Malacañang, mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nanawagan kay Co na bumalik sa bansa upang harapin ang kanyang mga paratang, na tinawag ng Pangulo at ng kanyang pamilya na “kasinungalingan.”











