-- ADVERTISEMENT --

Isiniwalat ng whistleblower at isa sa mga akusado sa kaso ng mga nawawalang sabungeros na si Julie Patidongan alyas Totoy na nakatanggap umano ang ilang mga pulis ng mahigit P2 million mula sa negosyanteng si Atong Ang, na inaakusahang utak umano sa likod ng misteryosong pagkawala ng mga sabungero.

Sa isang panayam, sinabi ni alyas Totoy na ipinamahagi ang naturang halaga ng suhol sa mga pulis na dawit sa umano’y pagdukot at pagpaslang sa mga sabungero.

Aniya, nakakatanggap ang isang police lieutenant colonel ng P2 million kada buwan na suhol habang ang iba pang mga opisyal na may ranggong lieutenant, executive master sergeant, staff master sergeant, staff sergeant at corporal ay naghahati sa natitirang kalahating milyong piso.

Itinanggi naman ni alyas Totoy na sangkot ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso ng mga missing sabungeros dahil gawa-gawa lang aniya ito ni Ang para siraan si NBI Dir. Jaime Santiago.

Sa ngayon, wala pang komento ang panig ni Ang kugnay sa panibagong rebelasyon ng whistleblower.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nauna ng kinumpirma ni PNP chief Gen. Nicolas Torre III na nasa ilalim ng kanilang protective custody si alyas Totoy habang gumugulong ang imbestigasyon sa kontrobersiyal na kaso ng pagkawala ng mahigit 30 sabungero.