Nilinaw ni House Appropriations Committee Chair at Nueva Ecija Representative Mikaela Angela Suansing na walang pondo mula sa buwis ng mamamayan ang inilaan sa unprogrammed appropriations (UAs) sa ilalim ng panukalang ₱6.793 trilyong 2026 national budget na kamakailan lamang ay inaprubahan ng Kamara.
Ayon kay Suansing, ang UAs ay hindi aktuwal na bahagi ng pambansang badyet, kundi standby authorizations lamang na maaaring magamit kung sakaling makalikom ang pamahalaan ng karagdagang kita o makapagtamo ng bagong kasunduang pautang mula sa ibang bansa.
Sinabi ni Suansing na ang UAs ay standby appropriations na awtorisado at pinagtibay ng Kongreso sa pamamagitan ng General Appropriations Act at hindi ito kasama sa ₱6.793-trillion na national budget na ating inaprubahan lalo na hindi galing sa buwis ang pondo.
Binigyang-diin ni Suansing na walang bahagi ng buwis ng publiko ang direktang inilaan sa UAs sa ilalim ng 2026 budget.
Ayon sa kanya, ang alokasyon para sa UAs sa 2026 GAB na ₱243.2 bilyon ay ₱120 bilyong mas mababa kumpara sa ₱363.4 bilyong UAs sa 2025 budget.
Ipinaliwanag ni Suansing na bahagi ito ng repormang isinusulong ng Kamara, sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III, upang mas gawing transparent at responsable ang paggamit ng pondo ng bayan.
Dagdag pa niya, sa ilalim ng bagong guidelines, tanging mga social programs sa edukasyon, kalusugan, at social protection na lamang ang maaaring pondohan mula sa UAs.
Sinabi ni Suansing na mula sa kabuuang ₱243.2 bilyong unprogrammed appropriations:₱133.1 bilyon (54.7%) ang nakalaan para sa foreign-assisted projects (FAPs),₱50 bilyon para sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP),₱45 bilyon para sa Strengthening Assistance for Social Programs.
Ayon kay Suansing, ang FAPs ay para sa mga proyekto na may suporta mula sa mga international partners tulad ng Japan, France, World Bank, Asian Development Bank, at iba pa.
Binigyang-diin din ng kongresista ang kahalagahan ng UAs sa panahon ng sakuna at emerhensya.
Dagdag pa ni Suansing kung walang UAs, wala agarang tulong na mailalabas ang DSWD para sa mga nasalanta ng bagyo at lindol.