Walang dapat ikadismaya sa naging desisyon ng House of Representatives na pagtibayin ang pagbasura sa impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ang binigyang-diin ng Palasyo ng Malakanyang.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na malinaw ang naging resulta ng botohan sa Kamara, kung saan 284 na mambabatas ang bumoto pabor sa pagbasura ng reklamo, kumpara sa walong tumutol.
Tanong ni Castro na sino ba ang nadidismaya? sa pagkaka-alam niya walo lang ang bumoto laban dito.
Binigyang-diin ng Palace official na nabigo ang mga reklamo dahil sa kakulangan ng substansya at hindi dapat gamitin ang impeachment bilang “fishing expedition.”
Giit pa ni Castro, hindi lamang ang mayorya ng mga miyembro ng Kamara ang nagsabing walang basehan ang mga paratang, kundi maging ang ilang legal experts at constitutionalists na nagsabing kulang sa matibay na batayan ang isinampang reklamo laban sa Pangulo.
Mensahe naman ni Castro sa mga nadidismaya “sorry nalang” dahil lumabas ang katotohanan.
Nauna nang pinagtibay ng House of Representatives ang rekomendasyon ng Committee on Justice na ibasura ang impeachment complaints dahil sa insufficiency in substance.











