-- ADVERTISEMENT --

Wala pang na-detect na kaso ng Nipah virus sa Pilipinas kahit may mga bansa na kagaya ng India at Bangladesh na nakapagtala ng outbreak.

Ayon kay Dr. Rontgene Solante, infectious disease expert, karaniwang nagmumula ang virus sa mga paniki o fruit bat na nakakapagpakalat nito sa pagkain na maaari ring makain ng tao.

Bukod sa animal-to-human transmission, mayroon ding naitalang human-to-human transmission ng Nipah virus.

Paliwanag ni Solante, madalas na inaatake ng virus ang utak at baga ng tao kaya mataas ang mortality rate nito na nasa pagitan ng 40% hanggang 75%.

Wala ring gamot o bakuna laban sa Nipah virus kaya supportive care lamang ang ibinibigay sa mga pasyente.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, nananatiling alerto ang mga health authorities sa bansa upang maiwasan ang posibleng pagpasok ng virus. Pinayuhan din ang publiko na maging maingat sa pagkain at iwasan ang mga posibleng kontaminadong produkto.

Ayon sa Department of Health (DOH) dati ay may naitalang insidente noong 2014 sa Sultan Kudarat kung saan 17 kaso ang naiulat na may kaugnayan sa pagkain ng karne ng kabayo at pakikipag-ugnayan sa maysakit.

Sa kasalukuyan, handa ang DOH na magsagawa ng testing at surveillance sakaling magkaroon ng posibleng kaso.