-- ADVERTISEMENT --

Umani ng batikos mula sa netizens ang vlogger couple na sina Cong Velasquez at Viy Cortez matapos nilang makiisa sa protesta laban sa katiwalian noong Linggo, Setyembre 21.

Kung saan binalikan ng netizen ang kanilang naging suporta sa ilang pulitikong nauugnay sa kasalukuyang administrasyon noong nakaraang halalan.

Nagbahagi ang magkasintahan ng mga larawan mula sa rally sa kanilang Facebook pages. Sa post ni Cong, sinabi niya: “Magnanakaw ka tapos gusto mo walang sisita? Hahaha. G*** ka ba?”

Umani ito ng libu-libong reaksiyon, karamihan ay laughing emoji, habang binaha rin ng mga komento mula sa mga tagasuporta ng “Solid North”—isang party-list na inendorso ni Cong noong 2025 midterm elections.

Tugon ni Cong,:“Pag ba magkaiba tayo ng sinuportahan nung eleksyon, wala na akong karapatang magalit sa nangyayari sa bansa?… Pare-pareho lang tayong ninanakawan.”

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa niya, mas nakakahiya raw ang manahimik kaysa magsalita.

Samantala, si Viy naman ay naglabas rin ng post kung saan ipinahayag ang kanyang galit sa mga magnanakaw—isang pahayag na umani ng mahigit 132,000 reaksiyon, karamihan din ay laughing emoji.

Aminado si Viy sa isa pang post na may kaba sila sa magiging reaksyon ng publiko sa kanilang pagsasalita, lalo’t dati nilang inendorso si Camille Villar, na kaalyado nina Marcos at Duterte.

“Pero mas okay na magsalita kesa manahimik!… Basta pare-parehas tayo ng gusto—matupad ang birthday wish ni Ms. Kara David!”

Ang tinutukoy niya ay ang pahayag ng mamamahayag na si Kara David, na nag-wish sa kanyang kaarawan na mawala na ang mga tiwaling opisyal sa bansa.