Kakanselahin ng Vietnam ang maraming flights patungong Pilipinas sa Mayo sa gitna ng mataas na presyo ng langis.
Nakikitang magpapahina ito sa air connectivity o kakayahan ng mga paliparan at airline na pag-ugnayin ang iba’t ibang destinasyon sa isa sa fastest-growing Southeast Asian corridors.
Sa inilabas na abiso, inanunsiyo ng Vietnam Airlines ang suspensiyon ng dose-dosenang flights mula Manila at Cebu patungong Vietnam, kasabay ng pagsisikap ng carrier na mapanatili ang katatagan ng suplay ng langis sa panahon ng pagsipa ng mga presyo.
Partikular na kakanselahin ng airline company ang Cebu-Hanoi flights mula Mayo 12 hanggang 15 gayundin mula Mayo 19 at 20.
Maliban dito, sususpendihin din ng Vietnam Airlines ang scheduled flights sa pagitan ng Manila at Ho Chi Minh sa Mayo 6 hanggang 8, 12 hanggang 14, 20 hanggang 22 at Mayo 26 hanggang 27.
Buburahin din ng carrier sa calendar ang ilang flights sa pagitan ng Manila at Hanoi mula Mayo 5, 12, 15, 22, 26 at 29.











