Nakatakdang maging kauna-unahang Italian millennial saint ang binatilyong si Carlo Acutis.
Itinakda kasi bukas, Setyembre 7 ang cannonization ni Pope Leo XIV na gagawin sa Vatican na siyang huling hakbang para maging Santo ang isang tao.
Si Acutis ay namatay dahil sa leukemia noong 2006 sa edad na 15.
Itinuturing ng Vatican ang binatilyo bilang “Cyber Apostle” habang ang iba ay “God’s Influencer”.
Isinilang sa London si Carlo noong Mayo 3, 1991 kung saan ang mga magulang nito ay Italian at lumaki ito sa Milan.
Namatay ito sa sakit sa Monza, northern Italy.
May kaya ang kanilang pamilya subalit naging relihiyoso si Carlo kung saan sa batang edad nito ay dumadalo siya araw-araw sa misa.
Tinutulungan niya ang mga batang nabibiktima ng bullying at ang mga walang bahay na dinadalhan niya ito ng mga pagkain at sleeping bag.
Ginamit niya ang kaniyang galing sa computer para ipalaganap ang paniniwalang katolika sa online kung saan gumawa siya ng digital exhibition ng milagro.
Kinilala ng Vatican ang dalawang milagro na nangyari matapos ang kamatayan ni Acutis na siyang mahalagang dahilan para maging isang santo.
Ang una ay ang paggaling ng isang bata mula sa Brazil na dinapuan ng rare pancreatic malformation at ang pangalawa ay ang paggaling din mula sa aksidente ng isang estudyante mula Costa Rica.
Sa nasabing kaso ay nagdasal ang mga kaanak ng mga may sakit kay Acutis noong ito ay na-beatified ni Pope Francis sa taong 2020.
Una ng itinakda ang cannonization ni Acutis noong Abril 27 subalit dahil sa kamatayan ni Pope Francis sa nasabing buwan ay ipinagpaliban na lamang sa Setyembre 7 ng pumalit na si Pope Leo.
Kasabay na i-cannonize si Italian student Pier Giorgio Frassati na isang mountaineering enthusiast.