Umabot sa bagong record na P17.647 trillion ang kabuuang utang ng Pilipinas noong katapusan ng Nobyembre 2025.
Ayon sa datos ng Bureau of the Treasury (BTr), tumaas ang utang ng bansa sa 0.49 porsiyento o P85.84 billion mula sa P17.562 trillion noong Oktubre.
Dulot daw ito ng net issuance ng domestic at external debt, na bahagyang na-offset ng pagbaba sa halaga ng foreign currency-denominated obligations dahil sa pag-apreciate ng piso.
Sa taon-taon (year-on-year), lumaki ang kabuuang utang ng Pilipinas sa 9.94 porsiyento mula P16.052 trillion noong parehong panahon ng 2024. Ang kasalukuyang antas ng utang ay 1.65 porsiyento na mas mataas kaysa sa inaasahang P17.359 trillion ng gobyerno para sa katapusan ng 2025.
Domestic vs. External Debt
Sa kabuuang utang, 68.66 porsiyento dito ay mula sa domestic borrowings habang 31.34 porsiyento ang mula sa foreign lenders.
Tumaas ang domestic debt ng 0.60 porsiyento buwan-buwan sa P12.117 trillion mula P12.045 trilyon, na dulot ng P71.85 billion na net government securities issuance.
Sa kabuuan ng taon, lumago ang domestic debt ng 10.86 porsiyento at 10.95 porsiyento kumpara sa parehong panahon noong 2024.
Habang ang external debt naman ay tumaas ng 0.26 porsiyento sa P5.530 trillion mula P5.516 trillion noong Oktubre. Ang pagtaas ay dulot ng P22.84 billion na net loan availments, bahagyang na-offset ng P8.73 billion na valuation adjustments dahil sa foreign exchange movements.
Ayon sa analyst maaaring tumaas ang halaga ng foreign currency debt kung bumaba ang piso noong Disyembre.











