-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw ni US Secretary of State Marco Rubio na hindi nakikipag-giyera ang Amerika sa Venezuela.

Ito ay sa kabila ng large-scale strike na inilunsad ng US sa kabisera ng Venezuela na Caracas noong Sabado, Enero 3 na nagresulta sa pagkakaaresto nina Venezuelan President Nicolas Maduro at First Lady Cilia Flores.

Napaulat din na kumitil ang mga serye ng pagpapasabog ng Amerika sa kabisera ng 40 katao, kabilang ang mga sibilyan at mga miyembro ng armed forces ng Venezuela, base sa isang hindi pinangalanang senior Venezuelan official.

Noong Sabado rin, kinumpirma ni Venezuelan interim leader Delcy Rodriguez na kabilang sa mga napatay sa strike ng US ang mga sibilyan at military personnel bagamat walang ibinigay ang opisyal na eksaktong bilang.

Subalit sa panig ng US, iginiit ni Rubio na hindi giyera ang paglulunsad ng US ng strike sa Venezuela. Paliwanag pa niya na nasa giyera ang US laban sa drug trafficking organizations subalit hindi laban sa Venezuela.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi din ni Rubio na walang nakadeploy na US forces sa ground ng Venezuela.

Ikinatwiran din ni Rubio na premature o maaga pa sa ngayon ang pagdaraos ng halalan sa Venezuela.

Nang matanong din si Rubio kung bakit hindi muna hiningi ang awtorisasyon ng US Congress bago isagawa ang operasyon ng Amerika sa Venezuela, tugon niya na hindi ito kailangan dahil hindi naman ito isang “invasion.”

Hindi rin aniya maaaring ipaalam sa Kongreso ang ganitong operasyon dahil ito ay maaaring ma-leak o kumalat.

Inilarawan din ni Rubio ang operasyon bilang isang law enforcement operation at sinabing naaresto si Maduro sa ground ng mga ahente ng Federal Bureau of Investigation (FBI).