-- ADVERTISEMENT --

Pinabulaanan ng ilang mambabatas sa Kamara na isang pormal na sagot ang isinumiteng tugon ni Vice President Sara Duterte sa kinakaharap nitong mga impeachment complaints, habang iginiit naman ng kampo ng Bise Presidente na hindi parehas ang pagtrato sa kanyang kaso.

Ayon kay Batangas Rep. Gerville Luistro, chairperson ng House Committee on Justice, ang isinumiteng consolidated verified answer ni Duterte ay hindi sumasagot sa mga paratang kundi mistulang isang hakbang lamang upang maibasura ang mga reklamo.

Paliwanag ng mambabatas, dahil hindi direktang sinagot ng Bise Presidente ang mga isyu, itinuturing itong isang general denial at mananatiling nakatayo ang mga alegasyon laban sa kanya.

Sinuportahan ito nina La Union Rep. Paolo Ortega V at Manila Rep. Joel Chua, na nagsabing nagtatago lamang ang ikalawang pangulo sa mga teknikalidad sa halip na harapin ang mga ebidensya.

Sa kabilang banda, ipinagtanggol ng kampo ni Duterte ang kanilang isinumiteng tugon.

-- ADVERTISEMENT --

Kanilang iginiit na mayroong double standard sa proseso kung ikukumpara sa mga inihain ding impeachment complaints laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kinuwestiyon din ng kanyang defense team ang kredibilidad ng testigong si Ramil Madriaga, ang umano’y dating aide na nag-angking inutusan siyang maglipat ng malaking halaga ng pera para sa bise presidente.