Ilang grupo ng mga operator ng trak ang pansamantalang sususpindehin ang kanilang mga biyahe sa loob ng tatlong araw simula Martes, Oktubre 6, sa tinatawag nilang ‘transport holiday’ upang idiin sa pamahalaan na tugunan ang mga problema sa industriya ng mga trak.
Sinabi ng Confederation of Truckers Association of the Philippines nitong Lunes, Oktubre 5, na kabilang sa kanilang pinakamalaking pangamba ang mataas na presyo ng gasolina at krudo, at mga problema sa operasyon ng mga shipping line.
Ipinaabot din ng mga trucker group ang kanilang mga pangamba patungkol sa walang sapat na regulasyon sa mga destination charges, truck ban policies na nakakahadalang sa maayos na operasyon, maging ang kakulangan din ng mga truck drivers.
Ayon sa grupo na nais nilang magkaroon ng maayos at direktang dayalogo sa pamahalaan at makahanap ng konkretong solusyon sa kanilang mga hinaing.











