Handa umano si dating Sen. Antonio Trillanes IV na maghain ng ethics complaint laban kay Sen. Ronald Dela Rosa kung magtatagal pa ang pagliban nito sa mataas na kapulungan.
Ito ay kung walang ibang maghahain ng kaso laban sa senador.
Ayon kay Trillanes, masyado pang maaga upang maghain ng reklamo sa Senate Ethics Committee dahil isang buwan pa lamang mula noong nagsimulang lumiban ang senador, kasunod na rin ng lumutang na impormasyon na mayroon nang inilabas ang International Criminal Court (ICC) na warrant of arrest laban sa kaniya.
Gayunpaman, kung matatapos na aniya ang 4th regular session ng Senado, maaari nang maihain ang reklamo laban sa senador para isuspinde o tanggalin siya sa naturang kapulungan.
Kung darating ang naturang panahon at wala aniyang maglalakas-loob na maghain ng kaso laban sa dating Philippine National Police chief, nakahanda umano ang dating senador na bumuo ng reklamo.
Paliwanag pa ni Trillanes, kung tuluyang tatanggalin si Bato sa Senado, kailangan na lamang maghalal ng 13 senador sa 2028 National Elections upang punan ang nalalabing 3 taon sa termino ni Sen. Bato.
Matatandaang muling nahalal sa ikalawang pagkakataon bilang senador ng Pilipinas si Sen. Dela Rosa nitong 2025 Midtem elections. Ang naturang termino ay magtatagal hanggang 2031 kung kailan gaganapin muli ang midterm polls.











