-- ADVERTISEMENT --

Ilang pasahero ang na-stranded sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila nitong Huwebes ng umaga, Marso 26, 2026, dahil sa dalawang araw na transport strike na ikinasa ng grupong MANIBELA laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), may mga commuter pa ring bumiyahe kahit may abiso na ng tigil-pasada, kaya’t nadagdagan ang bilang ng mga naapektuhan.

Naitala ang mga stranded na pasahero sa ilang lugar sa Manila, Quezon City, Pasig, Taguig, Parañaque, Las Piñas, at Malabon.

Sa kabila nito, sinabi ng pulisya na wala namang naitalang kaguluhan sa mga lugar ng protesta.

Lumahok sa strike ang iba’t ibang sektor ng transportation kabilang ang jeepney drivers, bus operators, TNVS, motorcycle taxis, at UV Express.

-- ADVERTISEMENT --

Isa sa mga pangunahing pagtitipon ng mga nagprotesta ay isinagawa ng No To Oil Price Hike Coalition sa Aurora Boulevard sa Cubao, Quezon City.

Iginiit ng mga grupo ang pagtanggal ng value-added tax (VAT) at excise tax sa produktong petrolyo, pagpapababa ng presyo ng langis sa P55 kada litro, at pagbabasura ng Oil Deregulation Law.

Kabilang din sa kanilang panawagan ang dagdag-pasahe, P1,200 family living wage, at nasyunalisasyon ng industriya ng langis upang mapababa ang presyo nito.

Samantala, naghanda naman ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno ng libreng sakay para matulungan ang mga apektadong commuter.